IBINIDA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Na mahigit animnaraan libong pamilya ang naging self-sufficient sa tulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4PS) ng pamahalaan.
Binigyang diin ng Pangulo na sa pamamagitan ng conditional cash grants, natulungan ng gobyerno ang mga pamilya para sa pag-aaral ng kanilang mga anak at healthcare.
Sa kanyang talumpati sa 74th anniversary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sinabi ni Pangulong Marcos na noon lamang nakaraang taon ay mahigit apat na milyong pamilya ang tumanggap ng suporta sa ilalim ng 4ps.
Aniya, simula nang umpisahan ang naturang programa, nakamit ng halos 678,000 families ang self-sufficiency.
Ang 4ps ay nagsisilbing national poverty reduction strategy at human capital investment program na nagbibigay ng conditional cash transfers sa mahihirap na pamilya ng hanggang pitong taon, upang bumuti ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng kanilang mga anak na hanggang labing walong taong gulang.