KABUUANG 34.5 milyong kilo ng mga basura ang naalis ng Estero at River Rangers mula sa mga daluyan ng tubig sa National Capital Region, CALABARZON, at Central Luzon noong nakaraang taon.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), 29.6 million kilo ng mga basura ang mula sa ncr; 3.3 million mula sa CALABARZON; at 1.58 million mula sa Central Luzon.
Sinabi ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na bawat kilo ng basura na tinanggal sa mga daluyan ng tubig ay katumbas ng mas malinis na ilog, kabawasan sa pagbaha, at mas ligtas na komunidad, lalo na kapag mayroong kalamidad.
Ang Estero at River Rangers na tinawag ng kalihim bilang mga “tagapangalaga ng kalikasan” ang frontliners sa waste management at nasa unang linya ng depensa laban sa polusyon at baha.