KABUUANG isandaan at anim na mga pasahero ang inilikas mula sa isang barko na sumadsad, halos dalawang kilometro ang layo muna sa Port of Coron, sa Palawan.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), pumalya ang makina ng cargo-passenger vessel na MV St Francis Xavier na patungong Puerto Princesa City makaraang mawalan ng kuryente.
Dahil dito, sumadsad ang barko sa mababaw na bahagi ng tubig malapit sa pier dahil low tide habang naka-angkora at hinihintay na maayos ang aberya.
Gayunman, kahit na naibalik na ang supply ng kuryente ay nanatiling nakasadsad ang MV St Francis Xavier.
Samantala, inihayag ng Marine Environmental Protection Unit at CGS Northeastern Palawan na wala namang nakitang oil spill sa paligid ng barko.