Aabot sa 1,355 na kahon na naglalaman ng hindi rehistradong luncheon meat at tinayang nagkakahalaga ng 3.252 million pesos ang nakumpiska sa isang warehouse sa Veterans Center sa Taguig City.
Ayon sa Southern Police District, sa bisa ng search warrant na inisyu ng Taguig RTC, sinalakay ang warehouse na nagresulta rin sa pagkakadakip ng apat na indibidwal dahil sa paglabag sa FDA law.
Nasamsam sa loob ng bodega ang mga ebidensiya kabilang ang marked money, sales receipts, at ang mga kahon-kahong unregistered luncheon meat.
Agad dinala ang mga naarestong suspek sa DSOU-SPD para sa dokumentasyon at inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa FDA Law.
Kaugnay sa FDA’s “Oplan Katharos,” nag-isyu naman ng Report of Violation laban sa nabanggit na establisyimento dahil sa kawalan ng License to Operate, pagtatambak at pagbebenta ng unregistered food products. (Bhelle Gamboa)