3 July 2024
Calbayog City
Business

Laban kontra rice hoarders, smugglers paiigtingin sa buong bansa 

rice

Muling nagbabala si Speaker Martin Romualdez sa mga abusadong rice traders na nagpapahirap sa mga Pilipino.

Ang babala ay kasabay ng pakikipagpulong sa mga kinatawan ng Philippine Rice Industry Stakeholders’ Movement (PRISM) na paiigtingin ang kampanya kontra sa hoarder at price manipulator sa buong bansa upang mahuli ang mga mapagsamantalang negosyante.

Tiniyak din ng Kamara de Representantes ang pagsuporta sa Executive Order No. 39 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagpapataw ng price ceiling sa bigas.

“We won’t stop until the President is successful in achieving his targets. We’re very serious about it. And we’re not gonna stop here in Luzon, we’ll go to Visayas and Mindanao. We’re gonna hit every region,” ani Romualdez na ang pinatutungkulan ay ang magkatuwang na operasyon ng Kamara at Bureau of Customs at Kamara sa mga warehouse ng bigas sa Bulacan.

Kasama ni Romualdez sa pakikipagpulong sina House Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos, Appropriations Committee Chairman Elizaldy Co, Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, Committee on Agriculture and Food Chair Mark Enverga at vice-chairperson Rep. David “Jay-jay” Suarez.

Kinilala rin ng mambabatas ang hakbang ng PRISM na magbenta ng bigas sa halagang P38 kada kilo ngunit nababahala ito na ang mga ni-raid na warehouse ng bigas sa Bulacan na kanilang miyembro ay posible umanong sangkot sa hoarding at smuggling. 

Kung totoo aniya na nais ng grupo na tumulong sa gobyerno ay dapat nilang ituro ang kanilang mga kasamahan na pinagsususpetyahan na sangkot sa pananamantala.

Bagamat kinikilala na dapat kumita ang mga negosyante, sinabi ni Speaker Romualdez na hindi makatwiran ang pagiging gahaman sa kita ng ilan sa mga ito.

“Don’t try to scare the government. The government can take over and do the importing itself and just break even or even subsidize. At the end of the day the people—the over 100 million Filipinos –should not be overcharged and go hungry,” ayon kay Romualdez

Una nang binigyang diin ni Romualdez na mandato ng Kapulungan na tiyakin na may sapat na suplay at abot kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin ng mga Pilipino.  (Jack Adriano)

ricky
A seasoned broadcast journalist, a former news reporter/anchor of Inquirer Television/Radio Inquirer-Manila under the Inquirer Group of Companies (IGC).

    Leave a Reply

    Your email address will not be published. Required fields are marked *