Inimbestigahan na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang napaulat na fish poisoning sa Cadiz City, Negros Occidental.
Ayon sa BFAR, batay sa paunang report na nakarating sa kanilang tanggapan, nakaranas ng sintomas ng food poisoning ang mga biktima matapos kumain ng aloy o tulingan.
Ipinaliwanag ng BFAR na posibleng Scombroid Fish Poisoning ang nangyari.
Ayon sa ahensya, hindi sa mismong isda nagmula ang lason kundi maaaring mali ang storage ng isda o hindi ito nailagay sa malamig na temperatura bago dumating sa palengke at bago naibenta.
Kapag nainitan kasi ang mga isdang tulingan, naglalabas ang mga ito ng mataas na antas ng histamine na hindi nawawala kahit lutuin ng mabuti o prituhin.
Dahil dito, nagpaalala ang BFAR sa mga nagtitinda ng isda na tiyaking sariwa ang kanilang mga produkto at dapat tiyakin na nasusunod ang 1 is to 1 ice fish ratio lalo na ngayong matindi na ang init ng panahon.




