NAGKASUNDO na ang bicameral conference committee ng Senado at Kamara kaugnay sa panukalang pagpapaliban ng BARMM elections.
Matapos ang bicam meeting, sinabi nina Senate President Francis Escudero at Senador JV Ejecrito na nagkasundo ang dalawang panig na itakda ang eleksyon sa October 13 ng kasalukuyang taon o pagpapaliban ng limang buwan.
Kasama rin sa napagkasunduan, ayon kay Ejercito ang probisyon sa Senate version na bibigyan ng hold over capacity ang mga kasalukuyang opisyal ng Bangsamoro Transition Authority hanggang magkaroon na ng bagong mga halal na opisyal.
Ipinaliwanag naman ni Escudero na hindi nila iginiit ang isang taong postponement dahil masyadong mahaba ang panahong ito at posibleng magresulta pa sa panibagong problema.
Hindi na rin kinakailangan ng supplemental budget para sa BARMM elections dahil pinapayagan ang poll body na gamitin ang kanilang savings para rito.