LABINGANIM na Pyroclastic Density Currents o PDC ang naitala sa Mt. Mayon sa loob lamang ng apat na oras.
Ayon sa PHIVOLCS, nagdulot ito ng pagguho ng lava dome mula sa summit ng bulkan sa pagitan ng pasado ala una hanggang alas kwatro ng hapon ng Miyerkules, January 7.
Nagbuga ang bulkan ng kulay gray at brown na CO-PDC ash clouds at umabot sa 200 meters ang taas nito.
Nakataas ang Alert Level 3 sa Mayon Volcano at mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-Kilometer Permanent Danger Zone.
Samantala, posibleng dumaloy ang lahar sa mga karatig lugar ng nag-aalburoto ngayon ng Bulkang Mayon sa Albay.
Sa harap ito ng forecast ng PAGASA na maaring makaranas ang lalawigan ng malakas na pag-ulan.
Noong Martes ay itinaas ng PHIVOLCS sa Level 3 mula sa Level 2 ang alerto ng Mayon, matapos makitaan ng senyales ng Magmatic Eruption at Dome Collapse Pyroclastic Density Current (PDC), o tinatawag na uson ng mga Bicolano.
Nagbabala rin ang ahensya ng posibleng ballistic fragments, lava flows at lava fountaining, PDCs, “moderate-sized” explosions, pati na lahar flows, kapag tumagal ang buhos ng malakas na ulan.
Bunsod nito, pinag-iingat ng PAGASA ang mga residente sa Camarines Sur, Catanduanes, Sorsogon, at Albay, dahil posibleng umabot sa 50-100 millimeters ang maranasan nilang pag-ulan.




