IKINASAL na sina Jomari Yllana at Abby Viduya sa pamamagitan ng pribadong seremonya na dinaluhan ng malalapit na kaibigan at anak ng aktor na si Andre Yllana, sa Las Vegas, Nevada, sa Amerika.
Sa Instagram ay ipinasilip ni Abby na dating kilala sa screen name na Priscilla Almeda, ang ilang kaganapan sa mahalagang araw nila ni Jomari sa Little White Chapel sa Las Vegas.
Kabilang na rito ang mga litrato nila ng kanyang mister habang sakay ng isang luxury car, at ang magkapatong nilang kamay na mayroong suot na wedding rings.
Nagsimula ang pag-iibigan nina Jomari at Abby noong sila ay teenagers pa lamang subalit hindi nagtagal ang kanilang relasyon hanggang sa muli silang magkaroon ng komunikasyon sa pamamagitan ng social media noong 2016 at nagbalikan noong 2019.