Inanunsyo ni pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na na-isapinal na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Maharlika Investment Fund, ilang linggo makaraang suspendihin ang pagpapatupad nito para sa mas masusing pag-aaral.
Sa post sa Instagram, sinabi ng pangulo na agad ipatutupad ang IRR pagkatapos aprubahan.
Noong hulyo ay matatandaang nilagdaan ng Punong Ehekutibo ang Republic Act No. 11954 o ang Maharlika Investment Fund Act of 2023.
Sa ilalim ng batas, gagamitin ang pondo ng gobyerno bilang kapital sa investments upang palaguin at makalikha ng karagdagang kita. Kabilang sa mga pagkukunan ng Maharlika Fund ay ang Bangko Sentral ng Pilipinas, Philippine Amusement and Gaming Corporation, mga ari-arian na tinukoy ng Dept. of Finance-Privatization and Management Office, at iba pa.