Inatasan ng provincial government ng Pampanga ang lahat ng alkalde sa lalawigan na magsagawa ng house-to-house inspections laban sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hubs sa kanilang nasasakupang lokalidad.
Sinabi ni Pampanga Vice Governor Lilia Pineda na simula noong Linggo ay nag-iikot na ang mga awtoridad, bago pa man isiwalat ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang nadiskubre nilang small scale “scam” hubs sa mga bayan ng Mexico at Bacolor.
Idinagdag ni Pineda na lahat naman ng mga mayor sa Pampanga ay tutol sa POGO operations.
Inihayag din nito na maglalabas ng resolusyon ang provincial government na nagba-ban sa lahat ng POGOs sa probinsya sa Biyernes sa huing hearing ng Sangguniang Panlalawigan.