ISINIWALAT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi ginamit ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang iba’t ibang heavy equipment mula sa World Bank simula noong 2018.
Ayon sa pangulo, inisyal na nakareserba ang mga makinarya para sa posibleng pagtama ng magnitude 7.2 na lindol sa Metro Manila.
Sa kanyang pag-iinspeksyon sa isang creek sa Parañaque City, sinabi ni Marcos na pinull-out ang heavy equipment mula sa mga garahe ng DPWH upang makatulong sa kasalukuyang anti-flood program ng pamahalaan na tinawag na greater metro manila waterways clearing and cleaning operations.
Aniya, kung mapapansin ay medyo bago pa ang mga makinarya dahil pitong taon itong nakatengga sa warehouse at hindi kailanman nagamit dahil kailangang itago para sa “The Big One.” Idinadagdag ng pangulo na tila ito na ang “The Big One” pagdating sa pagbaha, kaya inilabas at gagamitin na ang lahat ng heavy equipment.




