DAHIL sa unti-unti nang pag-init ng panahon, inumpisahan na muling ipatupad ng Metropolitan Manila Development Authority ang Heat Stroke Break Policy sa kanilang mga traffic enforcer at street sweeper.
Sa ilalim ng Memorandum Circular ng ahensya, ipatutupad ang 30-minute heat stroke break para matiyak na ligtas ang kanilang mga tauhan sa heat stroke at ba pang sakit na dulot ng matinding init.
Ayon sa kautusan, ang schedule ng 30-minute heat break ay depende sa oras ng shift ng mga field personnel ng MMDA.
At sa mga pagkakataon na ang heat index sa Metro Manila ay aabot sa 40 degrees Celsius o higit pa, magkakaroon ng dagdag na fifteen-minute break.
Magbibigay din ang MMDA ng inuming tubig sa mga naka-duty na field personnel.
Ang Heat Stroke Break Policy ay umiral simula kahapon, March 16, at tatagal hanggang May 31.




