NASAGIP ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang 156 na mga bata na biktima ng pang-aabuso sa isang Care Facility sa Pampanga.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian natuklasan ang masalimuot na sitwasyon ng mga batang nasa pangangalaga ng New Life Baptist Church of Mexico, Pampanga Inc.
Batay sa sumbong ng mga bata, sila ay binubugbog, hinahampas ng arnis, kinakadena, pinaluluhod sa graba at asin.
Kasunod ng mga reklamo agad na ni-rescue ng DSWD Field Office 3 – Central Luzon at Women and Children’s Protection Desk ng Pampanga Police Provincial Office ang mga bata.
Naglabas na din si Gatchalian ng Cease and Desist Order laban sa naturang pasilidad.
Sa kasalukuyan, ang mga bata ay ligtas nang nasa pangangalaga ng Reception and Study Center for Children (RSCC) ng DSWD FO-3.