NAGPAALALA ang Department of Social Welfare and Development sa mga tricycle driver na huwag dumagsa sa mga payout centers lalo na kung hindi pa naman sila naka-schedule.
Sa kaniyang Facebook Live, sinagot ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang katanungan ng mga driver ng tricycle para sa pormal na pagsisimula ng payout ng cash assistance ngayong araw.
Ayon kay Gatchalian, may schedule na inilabas o ibinigay ang mga lokal na pamahalaan para sa pamamahagi ng payout.
Layunin nitong hindi sabay-sabay na dumagsa sa mga payout center ang mga driver na posibleng magresulta sa pagkaparalisa ng biyahe at perwisyo sa mga pasahero.
Upang matiyak na mayroon pa ring mamamasada, may kani-kaniyang schedule ng pagpunta sa payout center ang mga benepisyaryo.
Paalala rin ni Gatchalian, kung mayroong magtatangka na bawasan ang kanilang ayuda, agad isumbong sa LGU o kaya ay sa DSWD para maaksyunan.




