Natagpuan ang Isang granada, partikular ang Fragmentation M61 High Explosive, sa Pier Site, Purok 1, Barangay Aguit-itan, Calbayog City, bandang alas-12:30 ng madaling araw noong Enero 18, 2025.
Ayon sa ulat, natanggap ng Tactical Operations Center (TOC) ang impormasyon mula sa isang concerned citizen bandang alas-1:10 ng madaling araw. Agad na rumesponde ang mga awtoridad upang beripikahin ang insidente.
Ang granada ay natagpuan ni Lydia Dabandan Mendiola, 46 taong gulang, isang tindera at residente ng nasabing barangay.
Sa kanyang salaysay, habang inaayos niya ang mga kahon ng prutas sa kanyang tindahan, napansin niya ang isang nylon string na nakatali sa mga kahon. Nang kanyang siyasatin, natuklasan niya ang isang orange na PVC pipe na may laman na granada. Dahil dito, agad siyang humingi ng tulong sa mga Barangay Tanod.
Rumesponde ang Samar Provincial EOD Canine Unit na pinamumunuan ni PCMS Peter Jerome G. Mendoza at ang Philippine Coast Guard EOD team na pinamumunuan ni PO2 Jay Anthony S. Coningao. Sa kanilang pagsusuri, napag-alaman na ang granada ay nakatakdang sumabog bilang isang booby trap. Ang nylon string ay konektado sa safety pin ng granada at maaaring sumabog kung itataas ang mga kahon. Mabuti na lamang at naagapan ito bago mangyari ang anumang insidente.
Ang granada ay nasa pangangalaga na ngayon ng Samar Provincial EOD Canine Unit para sa tamang disposisyon. Siguridad sa lugar ay pinangasiwaan ng Philippine Coast Guard Explosive Detection Dog Team sa pangunguna ni PO2 Bobby Francis Bacolod, katuwang ang Coast Guard Sub-station Calbayog at Maritime Police.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa barangay upang siyasatin ang CCTV footage, kung mayroon man, upang matukoy ang mga nasa likod ng insidente. Kasalukuyan pa ring iniimbestigahan ang insidente.