INAPRUBAHAN na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagdedeklara ng State of National Emergency dahil sa epekto sa bansa ng nagpapatuloy na gulo sa Middle East.
Sa Executive Order ng Pangulo, ang conflict sa Gitnang Silangan ay malaki ang epekto sa stability ng energy suplay ng bansa.
Iniutos ng pangulo ang pag-convene sa komite na mangangasiwa at magpapatupad sa Unified Package for Livelihoods, Industry, Food and Transport o UPLIFT.
Ang UPLIFT Committee ay pamumunuan ni Pangulong Marcos bilang chairman habang kabilang sa mga miyembro ang Executive Secretary at mga kalihim ng DOE, DOTr, DSWD, DA, DOF, DEPDev at DBM.
Ang komite ang magsisiguro na magpapatuloy ang maayos na movement ng suplay, distribusyon at availability ng langis, pagkain, gamit, agri products at iba pang essential goods.
Titiyakin din ang patuloy na operasyon ng public transportation at services at healthcare facilities.
Kasama sa trabaho ng komite ang pagbuo ng longer-term solutions at mga estratehiya para mapababa ang pagkonsumo sa petroleum products.
Isang taon na iiral ang State of National Emergency, maliban na lang kung bawiin nang mas maaga o palawigin ng pangulo.




