INAKUSAHAN ni Dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co si First Lady Liza Araneta-Marcos na umano’y nanghimasok para ipatigil ang congressional inquiries hinggil sa pagsirit ng presyo ng sibuyas at bigas, sa mga nagdaang taon.
Ito ay upang protektahan umano ang pansariling interest at ng kapatid nito sa industriya.
Sa kanyang latest video na inilabas kahapon, isiniwalat ni Co na ang first lady at kapatid nito na si Martin Araneta ay nakikinabang mula sa Agricultural Imports.
Ayon sa dating mambabatas, ang kita mula sa importasyon ng sibuyas ay hawak ni Araneta.
Aniya, kontrolado ng kapatid ng unang ginang ang Onion Imports noong mga panahong lumobo sa 600 pesos ang kada kilo ng sibuyas.
Inihayag ni Co na pinahinto ang House Investigation sa pagtaas ng presyo ng sibuyas matapos makatanggap ng tawag si noo’y Speaker Romualdez mula kay ginang Marcos.
Ganito rin aniya ang nangyari sa imbestigasyon ng kamara sa tumaas na presyo ng bigas.




