IPINAG-utos ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapasara ng kilalang Online Airline Booking Platform dahil sa umano’y hindi makatwirang presyo ng tickets.
Sa press briefing, sinabi ni DOTr Secretary Vince Dizon na inalerto siya ni Leyte 4th District Rep. Richard Gomez tungkol sa hindi pangkaraniwang taas ng Airfare prices sa booking platform na AirAsia MOVE.
Umabot sa 77,720 pesos ang Philippine Airlines ticket mula Tacloban to Manila para sa dalawang pasahero na nakalista sa AirAsia MOVE, na ang pasahe sa economy class ay nagsisimula sa 49,507 pesos.
Taliwas ito sa booking na direkta sa PAL na may kaparehong petsa at ticket na nagkakahalaga ng 12,600 pesos.
Ipinaliwanag ni Dizon na posibleng sinamantala ng online platform sa pamamagitan ng pagtataas ng pasahe ang Ongoing Transportation Crisis sa Leyte at Samar dulot ng pagsasara ng San Juanico Bridge.
Idinagdag ng kalihim na posible ring kasuhan ang naturang platform ng Economic Sabotage.