Sasampahan ng mga kasong kriminal ng Department of Justice (DOJ) ang nakatatandang kapatid ni dating Presidential Economic Adviser Michael Yang na si Tony Yang.
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi ipade-deport ang nakatatandang Yang, dahil mahaharap ito sa mga kasong kriminal, bukod pa sa paglabag sa immigration laws, na siyang dahilan kung bakit inaresto ito ng Bureau of Immigration.
Una nang itinanggi ni Tony Yang ang pagkakadawit nito sa POGOs nang iginiit nina Senador Risa Hontiveros at Sherwin Gatchalian ang koneksyon nito sa illegal gaming operators.
Inihayag naman ni Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty na iba’t ibang government agencies, gaya ng National Bureau of Investigation, Anti-Money Laundering Council, at Presidential Anti-Organized Crime Commission, ang nag-iimbestiga para sa iba pang criminal cases laban kay Yang, bukod sa falsification at paggamit nito ng illegal alias.
Binigyang diin ni Ty na ang paggamit ni Yang ng pekeng Filipino citizenship ang dahilan kaya nakabili ito ng mga lupain at nakapagtayo ng mga korporasyon sa Pilipinas.