Inatasan ni pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Education (DepEd) na tutukan ang pagpapataas ng level of proficiency ng mga mag-aaral.
Ito’y sa harap ng pagkahuli pa rin ng Pilipinas sa Programme for International Student Assessment (PISA).
Sa sectoral meeting sa Malakanyang, partikular na iniutos ng pangulo na bigyang-pansin ang pagsasanay pa ng mga guro, nutrisyon ng mga estudyante at pagpapahinto sa bullying.
Binanggit naman nina DepEd Undersecretaries Michael Poa at Gina Gonong sa press briefing sa palasyo ng malakanyang na iniulat nila kay pangulong Marcos ang ginagawang mga hakbang ng ahensya.
Kabilang dito ang Learning Recovery Program, National Math Program, National Science Program, at Friday Catch-up Program na pasisimulan na rin ngayong darating na biyernes.
Sa usapin ng bullying, pina-i-igting ng DepEd ang mga hakbang para makontrol ito sa pamamagitan ng binuong child protection committee sa mga paaralan.
Itinakda ng Department of Education (DepEd) ang lahat ng biyernes ng kasalukuyang School Year bilang “Catch-up” Day para sa layuning mahasa sa pagbabasa ang mga mag-aaral.
Simula ngayong araw, Jan. 12, ipatutupad na ng DepEd ang “Catch-up Fridays” sa lahat ng public elementary and secondary schools, at community learning centers sa buong bansa.
Layunin nito na mapaghusay ang academic performance ng mga estudyante sa K to 12 basic education program, kasunod ng mababang proficiency levels sa reading, batay sa national at international large-scale assessments.
Sa memorandum na nilagdaan ni DepEd Undersecretary Gina Gonong, lahat ng biyernes ng January 2024 ay ilalaan din sa “Drop Everything and Read” (DEAR) activity at orientation para sa field officials.