TINANGGAL ng House of Representatives si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na matibay na kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, bilang Deputy Speaker.
Inalis din si Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab na isa ring kaalyado ni Duterte, mula sa kanyang Deputy Speaker position.
Nabigo umano ang dalawa na suportahan ang resolusyon na nagpapatibay sa dignidad, integridad at kalayaan ng Kamara, pati na sa pamumuno ni Speaker Martin Romualdez.
Ito’y makaraang banatan ni dating Pangulong Duterte ang mababang kapulungan ng Kongreso matapos alisin ang confidential funds ng anak nitong si Vice President Sara duterte.
Ipinaliwanag ni House Majority Leader Manuel Jose Dalipe na nagpasya ang House Leadership na alisin ang dalawa sa posisyon dahil mula sa siyam na Deputy Speakers, ay sina Arroyo at Ungab lamang ang hindi pumirma sa mahalagang resolusyon na inisponsoran ng buong liderato.