KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration na umalis ng bansa at nagtungong Estados Unidos si Dating Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan.
Ayon kay Immigration Spokesperson Dana Sandoval, tanghali ng Martes, November 11 nang umalis sa bansa si Bonoan patungong US via Taiwan.
Dahil nakasailalim sa Immigration Lookout Bulletin, ipinaalam agad ng Immigration Officers sa Department of Justice ang pag-alis ni Bonoan at nang makumpirmang wala namang Hold Departure Order o kaya ay warrant of arrest laban sa dating kalihim ay pinayagan itong makalipad.
Ayon sa DOJ, sasamahan ni Bonoan ang kaniyang asawa na mayroong nakatakdang medical procedure sa US at mananatili ito sa Amerika hanggang sa December 17, 2025.
Si Bonoan ay kasama sa mga inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure na masampahan ng kasong kriminal at administratibo dahil sa 95 million pesos na halaga ng maanomalyang flood control project sa Bocaue, Bulacan.




