INARESTO ng national Bureau of Investigation (NBI) Cavite North District Office ang dalawang indibidwal bunsod ng umano’y pagre-recruit sa mga tao na mag-trabaho sa ibang bansa at dahil sa estafa.
Kinilala ang mga suspek na sina Girish Fuego at Glenmore Banagan na nasakote sa entrapment operation.
Nag-ugat ang pag-aresto mula sa reklamong isinampa ng pitong indibidwal laban sa dalawang suspek.
Isa sa mga complainant ang nagsabi sa kanyang sinumpaang salaysay na nagpakilala si Fuego bilang recruitment agent ng CPL masters recruitment inc. At inalok siya na mag-trabaho sa Austria bilang mason na may buwanang sweldo na 100,000 pesos.
Nang makapagbayad ng mahigit 166,000 pesos para sa processing fee at iba pang requirements, dinala ang complainant sa isang bahay sa general trias, Cavite kung saan ito nanatili ng ilang linggo.
Matapos ang mahigit isang taong paghihintay ay dumulog na ang mga biktima sa Department Of Migrant Workers, at kalaunan ay nalaman na hindi awtorisado ang mga suspek na mag-recruit ng mga mangagawa para sa overseas employment.