MAHIGPIT na mino-monitor ng Department of Agriculture (DA) ang presyo ng mga lokal na prutas, bunsod ng inaasahang pagtaas ng demand dahil sa pagsalubong sa bagong taon.
Kabilang sa mga prutas na binabantayan ng DA Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS) ay pakwan, melon, pomelo, avocado, mangga, at papaya.
Batay sa monitoring ng DA sa mga palengke sa Metro Manila, nasa 60 hanggang 90 pesos ang kada kilo ng pakwan; 80 hanggang 250 pesos ang per kilo ng pomelo habang 60 hanggang 140 pesos ang kada kilo ng melon.
Mabibili naman ang kada kilo ng avocado sa 300 hanggang 600 pesos; mangga, 150 hanggang 300 pesos; at papaya, 60 hanggang 90 pesos per kilo.
Naging tradisyon na ng ilang Pilipino ang paghahanda ng labindalawa o labintatlong klase ng mga prutas sa bisperas ng bagong taon, dahil sa paniniwalang magdadala ito ng swerte.