SISIMULAN muli ng COMELEC ang pag-i-imprenta ng official ballots para sa 2025 National and Local Elections, sa Miyerkules, matapos matigil ang operasyon bilang tugon sa kautusan ng Korte Suprema.
Sinabi ni COMELEC Chairman George Garcia na target na ngayon ng poll body na gamitin ang lahat ng makinang available sa National Printing Office, bunsod ng mga delay sa pag-i-imprenta ng mga balota, na orihinal na itinakdang matapos sa April 14.
Matatandaang anim na milyong inimprentang balota na nagkakahalaga ng 132 million pesos ang nasayang, matapos maglabas ang Supreme Court ng temporary restraining order laban sa disqualification ng ilang kandidato sa May 12 Midterm Elections.
Inamin ni Garcia na hindi inaasahan ng poll body ang karagdagang gastos dulot ng reprinting ng mga balota, subalit ipinaliwanag nito na maari nilang i-realign ang budget mula sa umiiral na line item.
Sa kabila nito ay umapela ang COMELEC Chief sa publiko na huwag sisihin ang Supreme Court sa nangyari, at binigyang diin na dapat palaging respetuhin at sundin ang kataas-taasang hukuman.