NANINIWALA ang China na makatutulong ang pagkakaroon ng “healthy dialogue” sa pagitan ng Pilipinas at China sa isyu ng West Philippine Sea.
Ayon kay Chinese Embassy spokesperson Ji Lingpeng, kinikilala ng embahada ang pagkakaroon ng candid at positibong dayalogo sa Department of Foreign Affairs ng Pilipinas kaakibat ng pagkakaroon ng mutual respect.
Hindi nakatutulong ayon sa Chinese Embassy ang mga pag-atake ng ilang Philippine officials, kabilang si Commodore Jay Tarriela, laban sa mga Chinese leader.
Katunayan, sinabi ni Ji na laging ang mga opisyal mula sa Pilipinas ang nagbabato ng atake sa China, at sumasagot lamang nang kalmado at sa propesyonal na pamamaraan ang embahada.
Kaugnay nito ay hinikayat ng Chinese Embassy ang DFA na gumawa ng hakbang para maisaayos ang mga isyu at mga hindi pagkakaunawaan at maisulong ang bilateral relationship ng dalawang bansa.




