KABILANG pa rin si Calvin Oftana sa Gilas Pilipinas Final 12 para sa 2025 FIBA Asia Cup, sa kabila nang naunang pag-aalinlangan na makapaglaro ito para sa pambansang koponan dahil sa injuries.
Ayon sa PBA, tumulak na si Oftana, kasama sina Justin Brownlee, June Mar Fajardo, Scottie Thompson, Dwight Ramos, AJ Edy, Kevin Quiambao, Japeth Aguilar, Carl Tamayo, CJ Perez, Chris Newsome, at Jamie Malonzo, patungong Jeddah, Saudi Arabia para sa tournament na itinakda sa Aug. 5 hanggang 17.
Inihayag ng liga na nagkaroon ng alinlangan sa kaso ni Oftana dahil nagka-sprain ito sa magkabilang bukong-bukong, subalit pinili pa rin ng TNT Forward na bumiyahe at maglaro para sa Gilas.
Inaasahan na magbibigay ng karagdagang lakas ang TNT Tropang 5G Star sa Gilas Pilipinas sa pagsagupa ng pambansang koponan sa Chinese Taipei sa Aug. 6, New Zealand sa Aug. 7, at Iraq sa Aug. 9.