BAGO ang kanilang pag-alis para sa Coachella ngayong Linggo, dumalo ang BINI sa “Women in Music” awards night na inorganisa ng Billboard Philippines.
Tinanggap ng Nations girl group ang “Powerhouse” Award, na prinesent ng kapwa P-Pop group na Alamat.
Sa kanilang acceptance speech, inamin ng leader ng grupo na si Jhoanna na hindi nila lubos na nauunawaan ang ibig sabihin ng Powerhouse Award.
Gayunman, habang pinakikinggan nila ang kahulugan nito, kinukulabutan sila dahil may mga pagkakataon na pinagdududahan nila ang kanilang mga sarili.
Inihayag ng grupo na ang sandaling ito ang magpapaalala ng kanilang tagumpay na hindi nasusukat ng numero, dahil katibayan ito ng kanilang consistency na kahit mahirap ang sitwasyon ay kaya nilang harapin.
Gaya anila ng paglikha ng mga kanta kahit walang nakikinig at magtanghal kahit walang nanonood.
Tungkol anila ito sa katatagan, lalo na para sa mga kababaihan na nasa entertainment industry.




