UMAKYAT na sa dalawa ang bilang ng mga nasawi sa pagsabog sa isang gun factory sa Marikina City.
Kinumpirma ni ARMSCOR Chairperson, President and CEO Martin Tuason, ang pagpanaw ng dalawa nilang empleyado kasunod ng pagsabog sa Ammunition Section ng planta ng ARMSCOR Global Defense Inc. sa lungsod.
Tiniyak naman ng kumpanya ang tulong at suporta na matatanggap ng mga naulilang pamilya.
Nangyari ang insidente Lunes ng hapon nang isang kahon na naglalaman ng primer ang biglang sumabog at napuruhan ang may hawak nito na pinutulan ng dalawang kamay.
Unang binawian ng buhay ang may bitbit ng kahon habang sumunod ang katabi nito na nagtamo ng pinsala sa dibdib.
Sugatan naman ang isa pa nilang kasamahan na nasa kabilang bahagi ng lamesa.




