IPINAGBAWAL ng Municipal Government ng Sulat sa Eastern Samar ang pagkatay sa mga kalabaw sa pangambang mawala ang tradisyunal na alternatibong ginagamit sa pagsasaka, sa gitna ng pagsirit ng presyo ng petrolyo.
Sinabi ni Sulat Mayor Javier Zacate na naglabas siya ng Executive Order (EO) na nagbabawal sa pagkatay ng kalabaw, kahit na sa mga pista at iba pang mga okasyon, upang matiyak ang agricultural sustainability.
Binigyang-diin ni Zacate na ang polisiya ay binuo sa pamamagitan ng malawakang konsultasyon para matugunan ang problema sa tumataas na presyo ng diesel na nakaaapekto sa local farmers.
Idinagdag ng alkalde na sakaling tumaas pa ng sobra ang presyo ng petrolyo, mahihirapan ang mga magsasaka na araruhin ang kanilang bukirin kung wala silang kalabaw.




