NAGSASAGAWA ng Monitoring at Assessment ang Philippine Coast Guard sa baybayin ng Lian, Batangas makaraang lumubog ang isang barko na may kargang 40,000 liters ng Diesel oil madaling araw ng Miyerkules, July 23.
Ayon sa Coast Guard, nasa site na ang Marine Environmental Protection Enforcement Response Team para suriin kung hindi ba nagdulot ng Oil Spill ang paglubog ng FV “Unity World”.
Ayon sa crew ng barko, umalis sila sa Navotas Fish Port Pier 1 at patungo sana sa Cuyo, Palawan para kumuha ng mga isda nang makaranas sila ng malakas na alon malapit sa Fortune Island dahilan para magdeklara ng abandon ship ang master ng barko.
Nakaligtas naman ang labing isang crew ng barko at nakarating sa baybayin gamit ang Floating Devices.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Lian pawang nasa maayos na kondisyon ang mga crew ng barko.