IDINEKLARA na ang State of Calamity sa Barangay Matinik sa bayan ng Lopez, Quezon, kasunod ng biglang pagguho ng lupa na nakaapekto sa purok dos.
Sa pinakahuling tala ng Lopez Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nasa tatlumpu’t limang kabahayan ang tuluyang nawasak habang labinlima ang partially damaged.
Maging ang mga kalsada, eskwelahan, pinagkukunan ng supply ng tubig, at riles ng tren ay nawasak din.
Ayon sa mga residente, nagulat na lamang sila nang biglang magputukan ang sahig ng kanilang mga bahay at nagkaroon ng malalaking bitak.
Nasa limampung pamilya o isandaan apatnapu’t anim na indibidwal ang inilikas bunsod ng naturang paggalaw ng lupa.