PATAY ang isang bagong halal na Kagawad sa Barangay 37 sa Pasay City makaraang pagbabarilin ng mga hindi nakilalang suspek.
Kinilala ang biktima na si Lina Camacho na labintatlong taong nagtrabaho bilang Barangay Treasurer bago kumandidatong Kagawad nito lamang nakalipas na halalan.
Ayon sa Pasay City Police, nakaupo ang biktima sa loob ng Barangay Hall at mula sa labas ay binaril ito ng mga salarin na lulan ng motorsiklo.
Dalawang beses umanong nagpaputok ang mga suspek at tumagos ang bala sa glass door.
Naisugod pa sa ospital ang Barangay Kagawad subalit kinalaunan ay binawian din ng buhay.
Kabilang sa tiningnang anggulo ng Pulisya ay may kinalaman sa politika at sa negosyong pautang ng biktima.