Inobliga ni pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga ahensya ng pamahalaan, mga kumpanyang pag-aari ng pamahalaan, at mga pampublikong paaralan at unibersidad na isama ang awit at panata ng Bagong Pilipinas sa lingguhang flag ceremonies.
Ayon sa Malakanyang, ang “Bagong Pilipinas” na tatak ng pamamahala ng Marcos Jr. Administration, ay matatawag na “principled, accountable at dependable government” na suportado ng mga mamamayang aktibo at binigyan ng kapangyarihan.
Ang himno na “Panahon ng Pagbabago” ay panawagan sa mga Pilipino na magkaisa para sa Bagong Pilipinas sa pamamagitan ng pagsusumikap, suportahan ang lokal na produkto at serbisyo, maging magalang at maging mahusay sa kani-kanilang larangan upang mabigyan ng karangalan ang bansa.
Samantala, ang “Panata sa Bagong Pilipinas” ay isang pangako na mabubuhay, alinsunod sa “Bagong Pilipinas” sa pamamagitan ng pagbibigay ng prayoridad sa bansa at pakikipagtulungan sa pamahalaan para sa national development.
Matatandaan na ang “Bagong Pagsilang” na kilala rin bilang “Bagong Lipunan” hymn ay inobliga ring maging bahagi ng flag ceremonies sa mga paaralan noong panahon ng martial law ni yumaong pangulong Ferdinand Marcos Sr., at muling narinig sa kampanya ni pangulong Marcos Jr. noong 2022 elections.