Kaugnay sa pinangangambahang kakulangan ng suplay ng bigas dulot ng El Niño Phenomenon at panalasa ng mga bagyo sa Pilipinas, nangako naman ang Vietnam na magsusuplay ng bigas sa Pilipinas.
Ang pagtiyak ay kaugnay na rin sa pakikipagpulong ni Speaker Martin Romualdez kay Vuong Dinh Hue, pangulo ng National Assembly of Vietnam.
Si Romualdez ay kasalukuyang nasa Indonesia para sa 44th AIPA (ASEAN Parliamentary Assembly) General Assembly sa Jakarta.
Bukod sa epekto ng bagyo at banta ng tagtuyot, nagpatupad din ng ‘export ban’ ng bigas ang India-ang pinakamalaking exporter ng bigas na malaking epekto sa Pilipinas na malakas magkonsumo ng bigas.
Habang ang Vietnam ang pangunahing pinanggagalingan ng imported na bigas ng Pilipinas subalit maaring mabawasan ang pagbebenta kung kukuha din ang iba pang bansa.
Sa kabila nito, ang pagtiyak ng Vietnam ay makatutulong upang matiyak na mayroong sapat na suplay ng bigas sa Pilipinas at maiwasan ang pagtaas ng presyo sa pamilihan.
Pinag-usapan din ng dalawang pinuno ang pagtutulungan kay Hue at pamahalaan ng Pilipinas sa larangan ng enerhiya, digital transformation, produktong pang-ekonoiya at materyales sa ‘construction’ tulad ng semento. (Jack Adriano)