INIHAHANDA na ng lokal na pamahalaan ng Catarman sa Northern Samar ang plano para sa mahigit tatlunlibong miyembro ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) na matatanggal na sa Cash Grant Initiative sa 2026.
Kahapon ay ipinatawag ni Mayor Diane Rosales ang Local Advisory Committee, kung saan inanunsyo niya na magkakaroon ng malawakang “Pugay Tagumpay” Program sa susunod na taon para sa pag-alis ng 3,213 families.
Sa naturang pulong, tinalakay ng alkalde at ng pinuno ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) na si Irmina Selorino, ang suportang ibibigay ng Local Government sa mga aalis na miyembro ng 4Ps, dahil hindi na sila makatatanggap ng Cash Assistance sa ilalim ng programa.
Sinabi ni Rosales na ayaw nilang makarinig ng reklamo sa hinaharap kung bakit walang malinaw na plano sa paglabas ng mga pamilya sa 4Ps.
Idinagdag din ng mayor na nais nilang tulungan ang mga pamilya na maintindihan na hindi pang-habambuhay ang tulong ng 4Ps, at kailangan din ng mga ito pagsikapan na mapabuti ang kanilang kabuhayan.