2 August 2025
Calbayog City
National

DA, inihanda ang P545-M na halaga ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng sama ng panahon; halaga ng pinsala sa imprastraktura, umabot na sa P3.75-B, ayon sa DPWH

INIHANDA na ng Department of Agriculture ang 545 million pesos na halaga ng tulong para sa mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng Bagyong Crising at Habagat.

Ayon sa DA ito ay kinapapalooban ng Agricultural Inputs kabilang ang rice, corn at vegetable seeds na ipapamahagi sa Regional Offices ng ahensya.

Umabot na din sa 500 sako ng bigas mula sa NFA ang naipamahagi na sa mga Local Government Unit sa Palawan.

Handa na din ang 400 million pesos na halaga para sa Survival and Recovery Loan Program kung saan maaaring mangutang ang mga naapektuhan ng hanggang P25,000.

Makatatanggap din ng insurance ang halos 46,000 na mga magsasaka na insured sa Philippine Crop Insurance Corporation.

Samantala, umakyat na sa 3.75 billion pesos ng halaga ng pinsala sa imprastraktura ng pinagsama-samang epekto ng mga nakalipas na sama ng panahon.

Ayon sa Department pf Public Works and Highways, kabilang dito ang 483.69 million pesos na halaga ng nasirang mga National Road, 24.48 million pesos na halaga ng National Bridges, at 3.25 billion pesos na halaga ng Flood Control Structures.

Sinabi ni DPWH Secretary Manuel M. Bonoan, mayroon pang limang (5) National Road Sections ang hindi pa rin madaanan ng mga motorista, isa (1) sa Cordillera Administrative Region; dalawa (2) sa Region I; isa (1) sa Region III; at isa (1) sa Region IV-A dahil sa insidente ng soil collapse at pagbaha.

Mayroon namang dalawampu’t pito (27) pang National Road Sections ang limitado pa ring nadaraanan ng mga motorista.

Tiniyak ng DPWH na patuloy ang hakbang ng kanilang mga tauhan para matapos ang Clearing Operations at Repair sa mga napinsalang kalsada.

ricky

Editor-in-Chief
A seasoned broadcast journalist, a former news reporter/anchor of Inquirer Television/Radio Inquirer-Manila under the Inquirer Group of Companies (IGC).