Umabot sa 2,742 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) mula sa Samar at Northern Samar ang tumanggap ng Certificate of Condonation with Release of Mortgage (CoCRoM), Certificate of Land Ownership Award (CLOA), at mga e-titles sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project ng Department of Agrarian Reform (DAR). Ang seremonya ay ginanap ngayong Disyembre 8, 2024, sa Calbayog City.
Bagamat hindi nakadalo si Senadora Imee Marcos dahil sa masamang panahon, nagpadala siya ng mensaheng nagbigay-diin na wala nang utang ang mga ARB at 100% libre na ang kanilang mga titulo.
Dumalo sa distribusyon sina DAR Assistant Secretary Rene Colocar, Samar 1st District Representative Stephen James Tan, Vice Governor Arnold Tan, at ilang alkalde.
Ang pamamahagi ng mga CoCRoM ay alinsunod sa Republic Act 11953 o New Agrarian Emancipation Act (NAEA), na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Hulyo 7, 2023. Sa ilalim ng batas na ito, pinawalang-bisa ang lahat ng utang, interes, at penalidad ng mga ARB mula sa mga lupang naipamahagi sa ilalim ng Presidential Decree 27, R.A. No. 6657, at R.A. No. 9700.
Mahigit 4,000 ektaryang lupain ang sakop ng kabuuang 2,742 sertipiko at titulo na naipamahagi sa Samar at Northern Samar.