SUSPENDIDO ang klase at pasok sa trabaho sa City Hall sa lungsod ng Maynila sa January 9 na kapistahan ng Poong Nazareno.
Inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang suspensyon sa bisa ng nilagdaang Executive Order No. 1.
Tuloy naman ang trabaho ng mga nasa frontline services gaya ng peace and order, public services, traffic enforcement, disaster risk reduction, at health services.
Samantala ang suspensyon ng trabaho sa mga National Government Offices at pribadong kumpanya sa Maynila ay ipinaubaya ng alkalde sa kani-kanilang pamunuan.
Nilagdaan din ni Domagoso ang Executive Order No. 2 na magpapatupad ng Liquor Ban sa January 9 sa loob ng 500-meter radius ng Quiapo Church at sa rutang daraanan ng Traslacion.
Ipagbabawal din ang pagbebenta, pagpapakalat at paggamit ng paputok at iba pang pyrotechnic devices simula sa January 8 hanggang 9 sa buong lungsod.
Samantala, nais ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na magpatupad ng Liquor Ban at Temporary Suspension ng Permits to Carry Firearms para matiyak ang seguridad sa Traslacion sa pista ng Hesus Nazareno sa Biyernes.
Sinabi ni NCRPO Chief Police Major General Anthony Aberin na naiparating na nila ang requests sa Manila City Government at sa PNP National Headquarters.
Aniya, hiniling nila sa National Headquarters na magpatupad ng Gun Ban simula Jan. 8 hanggang 10.
Idinagdag ni Aberin na humirit sila sa National Telecommunications Commission (NTC) na magpatupad ng Signal Disruption sa mga lugar na sakop ng Traslacion.
Una nang inihayag ng PNP na nasa 15,000 police officers ang ide-deploy upang matiyak ang seguridad sa religious activity.




