LUMOBO na sa tatlunlibong pasyente kada araw ang pumipila sa San Lazaro Hospital sa Maynila para magpaturok ng anti-rabies.
Sa gitna ng pagdagsa ng mga pasyente, nanawagan ang pamunuan ng San Lazaro sa iba’t ibang local government units na buksan ang kani-kanilang Animal Bite Centers para maibigay ang kaukulang atensyong medikal sa iba’t ibang lokasyon.
Ayon kay David Suplico, Officer-in-Charge ng San Lazaro Medical Services, “very unusual” ang dami ng mga taong pumipila para sa anti-rabies vaccine sa kanilang ospital ngayong taon, dahil hanggang walundaan lamang kada araw ang kaya ng kanilang pasilidad.
Noong Abril ay una nang inihayag ng San Lazaro Hospital na umabot na sa 1,800 hanggang 2,000 ang mga pasyenteng nagtutungo sa kanila kada araw para magpa-ineksyon ng anti-rabies.