PATAY ang walumpu’t isang taong gulang na lalaki sa Sta. Ana, Maynila, makaraang bugbugin ng sarili nitong apo.
Binawian ng buhay ang biktima na si Jesus Rivera Sr. habang nilalapatan ng lunas sa ospital makaraang magtamo ng mga sugat sa ulo at mukha.
Ayon sa Manila Police District, batay sa salaysay ng mga saksi, galit na lumabas ng kanilang bahay ang matanda hanggang sa komprontahin ito ng bente siyete anyos na suspek na kanyang apo na si Reymart Tanghal.
Sunod-sunod na sinuntok ni Tanghal ang kanyang lolo sa ulo hanggang sa bumagsak ang matanda at mawalan ng malay, subalit nagpatuloy pa rin sa pananakit ang apo.
Inamin ng pamilya na gumagamit ng iligal na droga si Tanghal at hindi ito ang unang beses na sinaktan nito ang kanyang lolo.