OPISYAL ng ipinagbawal ng Manila City Government ang pagsusuot ng balaclavas o anumang pantakip sa mukha sa loob ng mga establisimyento at mga pampublikong lugar, sa ilalim ng bagong ordinansa.
Alinsunod sa ordinansa na nilagdaan ni Mayor Isko Moreno noong Nov. 3, bawal ang helmets, masks, balaclavas, o anumang pantakip sa mukha kapag papasok o nasa loob ng commercial, government, o public establishments.
Saklaw din ng ban ang mga rider o pasahero na pansamantalang iniwan ang kanilang motorsiklo o nakahinto sa public spaces, gaya ng mga kalsada, eskinita, sidewalks, parke, parking lots, at pamilihan.
Ang mga lalabag ay papatawan ng isanlibong pisong multa para sa first offense at 3,000 pesos para sa second offense. Para sa ikatlo at susunod pang mga paglabag, mayroon itong multa na 5,000 pesos, hanggang labinlimang araw na pagkakakulong, at rekomendasyon na kanselahin ang driver’s license sa Land Transportation Office.




