6 August 2025
Calbayog City
Local

8 rebelde, napaslang sa magkahiwalay na sagupaan sa Northern Samar

HINDI bababa sa walong miyembro ng New People’s Army ang nasawi sa dalawang magkahiwalay na engkwentro matapos salakayin ng tropa ng pamahalaan ang kuta ng mga rebelde sa bulubunduking barangay ng San Isidro, sa bayan ng Las Navas, Northern Samar.

Ayon sa 8th Infantry Division ng Philippine Army, mula sa naunang apat na iniulat na napaslang, umakyat sa walo ang bilang ng mga nasawi sa sagupaan na itinuturing na malaking accomplishment sa Anti-Insurgency Campaign ng gobyerno.

Unang sumiklab ang bakbakan, madaling araw ng Huwebes nang atakihin ng mga sundalo ang kuta ng mga rebelde na napaliligiran ng ipinagbabawal na Anti-Personnel Mines, dahilan para humingi sila ng suporta sa ilang kasamahan.

Sinabi ni 8th ID Spokesperson, Capt. Jefferson Mariano na nagresulta ang matinding sagupaan sa pagkamatay ng pitong armadong rebelde at pagkakakumpiska sa limang M16 Rifles at isang R4 Rifle na may nakakabit na M203 Grenade Launcher.

Pagsapit ng alas diyes ng umaga sa kaparehong araw ay nakasagupa ng Reinforcing Troops mula sa 803rd Infantry Brigade ang mga tumatakas na rebelde.

Tumagal ng tatlumpung minuto ang ikalawang bakbakan na ikinasawi ng isang miyembro ng NPA at pagkakakumpiska ng isang R4 Rifle.

ricky

Editor-in-Chief
A seasoned broadcast journalist, a former news reporter/anchor of Inquirer Television/Radio Inquirer-Manila under the Inquirer Group of Companies (IGC).