NASAKOTE ng mga awtoridad sa Quezon City ang engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – MIMAROPA na sangkot sa maanomalyang Flood Control Project sa Oriental Mindoro.
Si DPWH MIMAROPA Engineer Dennis Abagon ay kabilang sa mga personalidad na inisyuhan ng warrant of arrest ng Sandiganbayan kaugnay ng reklamong Malversation of Public Funds.
Nabatid na si Abagon ay Officer-In-Charge ng iba’t ibang dibisyon sa DPWH-MIMAROPA.
Dalawang araw isinailalim ng mga awtoridad sa surveillance ang inhinyero bago inaresto, kasama ang dalawang iba pa na dinakip bunsod ng umano’y Obstruction of Justice.
Narekober din ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mobile phones at isang sim card, na posibleng nagsilbing ‘burner phone’ at ‘burner sim’ upang magamit sa komunikasyon nang nakatago ang kanyang pagkakakilanlan at lokasyon. Sinabi ni Abagon na may plano naman siyang sumuko, kasunod ng payo ng kanyang abogado.




