HINDI tama na sabihin ni Vice President Sara Duterte na may pinapanigan ang Department of Justice (DOJ), sa imbestigasyon sa umano’y banta nito laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Iginiit ni DOJ Undersecretary Jesse Andres na ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho na imbestigahan at usigin ang mga krimen, anuman ang katayuan sa buhay ng sangkot na indibidwal, at kahit mataas pa itong opisyal ng pamahalaan.
Tiniyak ni Andres na pakikinggan din ng ahensya ang panig ng bise presidente at lahat ng posibleng ebidensya na ihahain, pati na ng iba pang mga testigo.
Idinagdag ng Justice Official na bibigyan ang lahat ng full opportunity para ilahad ang kani-kanilang mga panig, bago magkakaroon ng ebalwasyon at desisyon kung magsasampa sila ng kaso.