MAAYOS umano ang kondisyon at nasa matinong pag-iisip si dating Pangulong Rodrigo Duterte para humarap sa pagdinig ng International Criminal Court.
Ayon kay Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, ang liham na isinumite ng dating pangulo sa ICC ay patunay lamang na may kakayahan itong makaharap sa pagdinig at maunawaan ang magiging proseso.
Ani De Lima, malinaw ang nilalaman ng waiver na pinirmahan pa nga ni FPRRD.
Taliwas din aniya ito sa sinabi ng kaniyang abogado na si Atty. Nicholas Kaufman na walang kakayahang magbigay ng instructions ng dating pangulo sa kaniyang defense team. Para kay De Lima, bahagi lang ng legal strategy at propaganda ni FPRRD ang pag-waive niya sa kaniyang karapatan, at ang mga pahayag niyang dinukot siya at siya ay may edad na, pagod at mahina na.




