Nasa ilalim na ng kustodiya ng Bureau of Immigration (BI) ang pitong Chinese nationals na nahuli ng Philippine Coast Guard (PCG) dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Laws.
Ang mga dayuhan na may edad tatlumpu hanggang apatnapu’t lima ay lulan ng nasabat na M/V Sangko Uno sa Navotas City Port noong a-kinse ng Setyembre.
Itinurnover ang mga tsino sa BI para sa deportation proceedings at inilipat sa pasilidad sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan sa Taguig City.
Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr., iligal ang pananatili ng mga banyaga sa bansa dahil wala silang naiprisintang mga kaukulang dokumento.
Kinundena rin ng ahensya ang pagbalewala ng mga dayuhan sa immigration laws ng bansa, kasabay ng pagtiyak ng mas agresibong mga hakbang upang masugpo ang illegal alien activities.