SA pormal na pagsisimula ng panahon ng Kwaresma sa Miyerkules, nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa publiko na magsagawa ng Digital Media Fasting.
Sa inilabas na Pastoral Letter ng CBCP, batay sa tradisyon, ang fasting ay madalas ginagawa ng mga Katoliko sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagkain ng karne o pagkakaroon ng oras na hindi pagkain.
Pero ayon sa CBCP, bahagi rin ng pag-fasting ang pag-iwas sa mga bagay na nagdudulot ng distraction sa pagiging malapit sa Panginoon.
At sa panahon ngayon, ang cellphone, social media, streaming, gaming, at online entertainment ay kadalasang umuubos sa atensyon ng tao at nagdudulot ng paghina sa kaniyang interior life.
Sa pamamagitan ng Digital Media Fasting, sinabi ng CBCP na mararanasan muli ang katahimikan, makapagdarasal, makapag-iisip, at mapagtitibay ang relasyon sa mga mahal sa buhay.
Narito ang pwedeng pamamaraan sa pagsasagawa ng Digital Media Fasting:
– Iwasan ang paggamit ng Cellphone bago matulog at sa paggising
– Limitahan ang social media at streaming time
– Pairalin ang device-free meals
– magpatupad ng occasional 24-hour o weekend digital fasts
– tanggalin ang mga distracting apps sa phone
– at magdasal, magbasa, at makipag-usap sa halip na mag-cellphone




