DISMAYADO si Edu Manzano sa ilang personalidad na umano’y nandaya sa golf tournament kamakailan, na galing sa pamilya ng mga politiko.
Bagaman hindi pinangalanan, pinuna ng veteran actor, sa pamamagitan ng social media, ang mga personalidad na hindi naging patas sa Golf Club Tournament, kasabay ng pagsasabing kasama sa game ang kanyang mga kaibigan.
Binigyang diin ni Edu na ang kwento ay hindi lang tungkol sa golf.
Isa aniya itong character test subalit may nandaya pa rin.
Hindi rin aniya ito world event, walang malaking perang nakataya, at isa lamang club tournament at isang honor system.
Idinagdag ng aktor na ang problema ay hindi pressure, kundi personalidad at habit o nakasanayan ng gawin.
Walang binanggit si Edu na pangalan ng tournament o participant, bagaman inanunsyo ng Alabang Country Club na nag-agree unanimously ang committee ng Mango Tee 38 member-guest na i-withdraw ang awards na ibinigay sa mga nanalo.
Kabilang sa mga apelyidong nabanggit ay Leviste at Villafuerte.




